Eulogia Para Sa Isang Kaibigan
Matagal na panahon narin simula nung tayo'y unang nagkita. Masaya ako noon at kagagaling lamang sa isang paglalakbay. Nasa isang sulok ka naman ng Asturias, naghihintay ng pupulot sayo mula sa duming iyong kinaluluklukan.
Hindi ko mapaliwanag kung paano kita natagpuan. Siguro, langit narin ang nagtakda nang ating pagkikita. Naroon ako nung mga oras na kailangan mo nang tutugon sa iyo, at hanggang ngayon, nagpapasalamat ako na ako ang taong pinili mo.
Wala akong alam sa pinanggalingan mo, o sa mga bagay-bagay na nagtulak sa iyo para layuan siya. Alam kong minahal mo siya, at nakaukit iyon sa iyong kalooban. Nakita ko ang mga larawang iyong itinago, kasama narin ang mga sulat at mga pahayag. Ngunit hindi mo ako hinayaang makilala siya o malaman ang kanyang pangalan. Hindi mo rin ako binigyan ng pagkakataong makilala ka ng lubusan. Siguro, iyon talaga ang iyong nais. Kung ikaw man ang iniwan o kung ikaw ang nang-iwan, hindi ko na iyon malalaman..
Sa loob ng mahigit isang taon nating pagsasama, marami narin ang nangyari. Marami ang mga tulad mo na dumaan sa aking buhay. Ngunit lahat sila ay bigla nalang nawala, umalis o di kaya'y sapilitang kinuha mula sa aking piling. Ngunit naging matatag tayong dalawa. Ikaw ang palaging tumutugon sa aking pangangailangan, ang palaging tumutulong sa aking paghihirap.
Marami tayong tinago mula sa mundo. Marami tayong mga nilipat mula sa iba't-ibang lugar. Nakarating na tayo sa maraming mga siyudad, bayan at lipunan.
Ngayong lumisan ka na nang tuluyan mula sa aking piling, isang butas ang iniwan mo sa aking puso. Ang dating kaibigang palagi kong kasama at katuwang, ngayo'y wala na. Ako'y nagluluksa at nagdadalamhati sa iyong pag-alis sa mundong ibabaw. Ayong lumuluha sa iyong pagkawala.
Wala na ang tingkad mo sa aking mga mata. Wala na ang iyong mga tinagong mga alaala.
Alam ko na hindi dito natatapos ang lahat. Alam kong kailangang kong patuloy na gumalaw. Masakit sa akin ang pangyayaring ito, ngunit alam kong masaya ka na sa iyong pagpapahinga. Wag kang mag-alala, malalagpasan ko rin ito. Sana'y makahanap rin ako ng papalit sa iyo sa aking puso.
Iisa lang ang tunay kong hinagpis: sana ay nalaman ko nang mas maaga na mawawala ka. Sana ay mas inalagaan kitang mabuti. Sana ay nailipat ko ang mga alaalang iyong dala.
Nawa'y mahimlay ka nang mapayapa.
Hindi kita kakalimutan.
Para kay Asturksy (2006-2007), ang mahal kong Flash Drive.
Labels: rants
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home